Misis inuntog sa papag ni mister, patay

Inaresto ng mga pulis sa loob ng Navotas City Hospital habang binabantayan ang bangkay ng kanyang misis ang suspek na si Gerlad Amante, 33, walang trabaho at nakatira sa Daanghari, ng naturang lungsod.
The STAR/ File

MANILA, Philippines — Kamatayan ang sinapit ng isang misis nitong Sabado dahil sa tinamong sugat sa ulo matapos siyang iuntog sa papag ng kanyang senglot na mister noong Nobyembre 26 sa Navotas City.

Inaresto ng mga pulis sa loob ng Navotas City Hospital habang binabantayan ang bangkay ng kanyang misis ang suspek na si Gerlad Amante, 33, walang trabaho at nakatira sa Daanghari, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling araw noong Nobyembre 26 sa loob ng kanilang bahay.  Kainuman ni Amante ang kaibigan na si alyas “Kalbo” nang mag-away ang mag-asawa dahil sa ayaw paawat ng suspek sa pagtoma sa kabila na wala na silang maipambili ng alak.

Sa gitna ng pagtatalo, iniumpog ng lalaki ang ulo ng misis sa kanilang papag dahilan para magtamo ng malaking sugat sa ulo ang biktima.  Ipinagkibit-balikat naman ng ginang ang pinsalang natamo hanggang sa makaramdam ng matinding pagkahilo at panghihina noong gabi ng Nob­yembre 27 dahilan para isugod niya ang sarili sa Navotas City Hospital.

Dito naratay na sa pagamutan ang ginang hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga dakong alas-11:15 kama­kalawa ng tanghali sa loob ng pagamutan. 

Nakaditine ngayon sa Navotas City Police Station Detention Center si Amante na nahaharap sa kasong Homicide sa Navotas City Prosecutor’s Office.

Show comments