‘Tulak’ bulagta sa engkuwentro

MANILA, Philippines — Isa na namang hinihinalang ‘tulak’ ng ilegal na droga ang   bumulagta makaraang mapuruhan ng bala ng mga pulis sa naganap na shootout, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kinilala lamang sa alyas na Ryan ang nasawing suspect.

Sa ulat ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-4:15 ng madaling araw sa may kahabaan ng Governor Pascual sa Brgy. Catmon, ng naturang lungsod kung saan nagkasa ang mga tauhan ng Station Intelligence Branch at Station Drug Enforcement Unit ng buy-bust ope­ration.

Nakatunog umano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya nagbunot ito ng baril at pinaputukan ang parak na buyer na si P/Pat. Señores na tinamaan sa dibdib. Masuwerte na nakasuot ang pulis ng bullet-proof vest kaya nakaligtas siya sa posibleng pagkamatay. Gumanti ng putok ang mga back-up na mga pulis kaya napuruhan ang suspek.

Dinala pa siya ng mga pulis sa Ospital ng Malabon ngunit hindi na umabot pang buhay. Narekober sa suspect ang isang kalibre .9mm na baril na may dalawang  basyo ng bala at dalawang live na bala, dalawang napaputok na cartridge, isang sling bag na may lamang walong maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at pera.

Show comments