Parañaque fire: 20 bahay tupok

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Parañaque City, alas-11:13 ng gabi nang mag-umpisa ang sunog sa isang bahay sa Sitio Gulaya, Brgy. Moonwalk.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Nasa 40 pamilya ang nawalan ng kanilang tirahan makaraang matupok ang nasa 20 kabahayan sa sumiklab na sunog sa isang residential area sa Parañaque City, kama­kalawa ng gabi.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Parañaque City, alas-11:13 ng gabi nang mag-umpisa ang sunog sa isang bahay sa Sitio Gulaya, Brgy. Moonwalk.

Nasa kahimbingan ng tulog ang marami sa residente na mga nagising nang magkagulo. Inisyal na walang iniulat na nasawi sa insidente ngunit dalawang residente na hindi na pinangalanan ang isinugod sa pagamutan dahil sa pagkakalanghap sa maitim na usok.

Iniakyat sa ikatlong alarma ang sunog dakong alas-11:38 ng gabi dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan.

Alas-12:43 na ng madaling araw nang magdeklara ng fire-out ang BFP nang magawang maawat sa pagkalat at tuluyang maapula ang apoy.

Patuloy naman inaalam ng arson investigator ang naging sanhi ng sunog at kung kaninong bahay nagsimula ang apoy.

Umabot naman sa P150,000 halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy, base sa tantiya ng BFP.

Pansamantalang nananatili ang mga pamilyang apektado sa makeshift evacuation site sa lugar habang nananawagan sila ng tulong sa lokal at nasyunal na pamahalaan.

Show comments