Helper tigok sa saksak

MANILA, Philippines — Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang isang 21-an-yos na hardware helper matapos saksakin ng isang ‘di pa kilalang salarin, sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Roland Panican, residente ng APEX Parola Compound, Tondo.

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa APEX Compound, Parola, Tondo.

Habang nakaupo umano ang biktima sa bangketa   nang biglang lumutang ang isang lalaki at dalawang beses siyang tinarakan sa katawan.

Bumulagta ang biktima at mabilis na tumakas ang suspek.

Dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital subalit habang nilalapatan ng lunas ay binawian din ng buhay.

Nagsagawa ng follow-up operation matapos may nakapagsabi na isang al­yas “Kando” diumano ang umatake sa biktima subalit bigo ang mga otoridad na madakip ang nasabing lalaki.

Gayunman, hindi pa tiyak kung ang tinukoy na lalaki ang tunay na sala­rin kaya’t patuloy pang ini­im­bes­tigahan ang kaso.

Show comments