MMDA sa bus operators Maglagay ng dash camera, CCTV sa bus
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga operators ng mga pampasaherong bus na kusa nang magkabit ng mga “dash camera” at “CCTV cameras” sa kanilang mga bus units para sa pansariling proteksyon.
Sinabi ni MMDA Operations supervisor Bong Nebrija na mas malaking tulong sa mga kumpanya ng bus ang pagkakabit ng naturang gadgets para matiyak na maayos ang pagmamaneho ng kanilang mga tsuper, makaiwas sa aksidente at panlaban rin sa mga holdaper na target ang mga pampasaherong bus.
Mas malaki pa umano ang matitipid ng mga operators sa pagpapakabit ng mga gadgets kung ikukumpara sa kanilang mga babayaran kapag masangkot sa aksidente ang kanilang mga kaskasero at abusadong tsuper habang makakatulong sa imbestigasyon at paghahabol sa mga criminal na nag-ooperate sa loob ng mga bus. Bukod sa mga holdaper at mandurukot, karaniwang nambibiktima rin sa mga bus ang mga “Ipit Gang, Dura-Dura Gang, Laglag Barya Gang” at iba pa na may bagong modus tulad ng pananakit ng pasahero para mapagnakawan.
Inirereklamo karamihan ng mga nabibiktimang pasahero ang tila walang pakialam na mga bus drivers at konduktor ng mga pampasaherong bus kaya nagkakaroon ng hinala na kakuntsaba ng mga criminal ang mga ito.
Sa kabila nito, sinabi ni Nebrija na tanging ang Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang maaring mapatupad ng naturang polisiya.
May ilan na umanong provincial buses ang nagkakabit ng dash camera na may speed indicator sa kanilang mga units para imonitor ang bilis ng pagpapatakbo ng kanilang mga tsuper bilang bahagi ng kanilang “disciplinary action”.
Karaniwan namang reklamo umano ng mga nagpapalusot na operators ang gastos sa pagkakabit sa mga gadgets na makakatulong sa kanilang operasyon.
- Latest