Tandem dedo sa pulis

Sinisiyasat ng mga tauhan ng  Scene of the Crime Operatives ang  bangkay ng  mga motorcycle riding- in-tandem na napatay matapos na makipagbarilan sa mga pulis. Joven Cagande

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang kalalakihan na riding-in-tandem  matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis na nagsasagawa  ng check-point kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspect, na agad na nasawi matapos magtamo ng mga tama ng bala sa kanilang katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon sa hepe ng Caloocan City Police na si Sr. Supt. Johnson Almazan, nakatanggap sila ng tawag mula sa  emergency hotline 911 na may insidente ng  indiscriminate firing sa Tanigue St., Dagat-Dagatan alas-11:20 ng gabi.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-2 hanggang sa makita ng mga ito ang mga suspect na armado ng mga baril habang lulan ng isang motorsiklong walang plaka na mabilis ang takbo patungong C-3 Road.

Pagsapit sa panulukan ng Pamasawata at C-3 Road ay bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis na nagsasagawa ng check-point kung  kaya’t napilitang gumanti ng  putok ang mga ito,   na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.

Narekober ng mga pulis ang ilang basyo ng bala ng baril, apat na  sachet ng pinaniniwalaang shabu, 1 kalibre .38 baril, 1 kalibre .45  baril at ang gamit ng mga nasawi na SYM motorcycle na walang plaka.

Show comments