Manila City hall, nag-take-over sa maanomalyang parking deal
MANILA, Philippines – Makaraang matuklasan ng Commission on Audit ang iregularidad sa parking deal, ipinasya ng Manila City hall na i-take over ang operasyon ng Tokogawa Global Corporation at Matsuyama Corporation.
Ayon kay City Administrator Ericson “Jojo” Alcovendaz, inatasan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang dalawang kompanya na ilipat ang operasyon sa Traffic Management Bureau ng Maynila sa ilalim ng Tripartite Memorandum of Agrement (TMOA). Ang nasabing parking deal ay pinasok umano ni dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Sinabi ni Alcovendaz na natuklasan ng COA na ang parking deal ay maituturing na “grossly disadvantageous” sa lungsod. Aniya ang TMOA na pinasok ni Lim noong September 17, 2012 na nagsasaad na ang Matsuyama ay magpo-provide ng parking meters at management devices sa lungsod, habang ang Tokogawa naman ang mag-iinstall, operate at magmementina nito.
Ang naturang parking deal ang ugat ng graft charges na isinampa ng dating journa-list na si Ricardo Santos Cruz sa Office of the Ombudsman laban kay Lim, Tokogawa vice president Rorie Cariaga, at Matsuyama managing officer Napoleon Ibalio.
Ayon pa kay Cruz sa pamamagitan ng kaniyang abugadong si Atty. Moses Pua, nilabag ni Lim at ng dalawang respondents ang Paragraphs “e” and “g,” Section 3 ng Republic Act 3019, o Anti Graft and Corrupt Practices Act.
Dahil dito, sinabi ni Alcovendaz na minabuti na lamang ng city government na kunin ang operasyon nito upang mas mabigyan ng kapakinabangan ang lungsod sa pamamagitan ng Supplemental TMOA noong October 9, 2013.
- Latest