Pulis na bantay sa APEC, nakaladkad ng van, service firearm nawala
MANILA, Philippines – Sugatan ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na naka-detail sa idinaraos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting nang mabundol ng closed van, makaladkad pa ng may sampung metro at tumalsik ang service firearm na hindi na rin matagpuan, sa tapat ng Mejan Garden, sa Liwasang Bonifacio, Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat mula sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si SPO1 Darwin Lorenzo, detail bilang security force sa APEC.
Hindi na rin matagpuan ang kaniyang .40 mm caliber pistol. Pinipigil na rin sa MDTEU ang suspek na driver ng delivery closed van (WJO-930) na si Ronald Borceles, na umamin na inaantok habang nagmamaneho dahil wala pa umanong tulog.
Nabatid na dakong alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa nasabing lugar habang sakay ng kaniyang motorsiklo, kasama ang isang PO3 Romulo Magtibay, nakatalaga rin sa QCPD.
Basag ang kanang bahagi ng windshield ng van dahil sa lakas ng impact bunga ng mabilis na pagmamaneho umano ng suspek.
- Latest