Caretaker utas sa tandem

Caretaker utas sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang caretaker ng isang construction company matapos barilin ng hindi kilalang mga suspek na  riding in tandem sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktima na nakilalang si El­mer Dugos, 46, ng Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.

Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan sa mga suspek.

Ayon kay Senior Supt. Romeo Razon Uy,  hepe ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi, sa loob ng kompanyang pinagtratrabahuan ng biktima sa Kapitbahayan St.ng nasabing barangay.

Nabatid, na tinawag ang biktima ng isa sa mga trabahador at tinanong sa delivery ng mga materyales.

Nang matapos ang delivery ay bigla na lamang sumulpot ang hindi kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka at walang sabi-sabing binaril ang biktima.

Kaagad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at ang biktima naman ay dinala ng kanyang mga kasamahan sa ospital, subalit binawian ito ng buhay.

Iniimbestigahan ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho nito ang pamamaslang dahil bago ang insidente sinasabing nakakatanggap na ito nang pagbabanta sa kanyang buhay.

Show comments