Estudyante, todas sa holdap

MANILA, Philippines – Patay ang isang estudyante ng Unibersidad de Manila na tinangkang hablutan ng bag at saksakin pa ng isang suspect na kasakay nila sa jeep, kahapon ng umaga sa Quezon bridge sa Quiapo Manila.

Isang saksak sa dibdib ang ikinasawi ng estudyanteng si  Renzo Rey Budoy, ng Zamora St., Pandacan, Maynila, habang sugatan naman ang isa pang  biktima na nakilala lamang sa pangalang Jacklyn, 27.

Inilarawan  ang  suspek na nasa gulang na 25 hanggang 28; balingkinitan ang pangangatawan; mahaba ang buhok at nasa 5’6 hanggang 5’7 ang taas.

Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Jonathan Bautista, ng  MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga sa ibabaw mismo ng nasabing tulay.

Bigla na lamang hinablot ng  suspek ang  bag ng biktima  at sinaksak ito sa dibdib.

Nang makita ito ni Jacklyn, tumalon ito sa jeep, at kahit na umano may tama ng saksak si Budoy, nakuha din nitong ma­katalon sa jeep, pero sinundan siya ng suspek at muling pinag-uundayan ng saksak.

Bigo ang suspek na tangayin ang bag ng biktima nang makitang naliligo na sa sariling dugo ang kinursunadang biktima.

Isinugod ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center, subalit hindi na ito umabot ng buhay, habang sa UST Hospital naman dinala si Jacklyn.

Show comments