Kemikal sumingaw sa paaralan: 5 estudyante naospital
MANILA, Philippines – Isinugod sa pagamutan ang limang estudyante ng University of Caloocan City (UCC) makaraang himatayin, magsuka at mahilo nang makalanghap ng hindi pa mabatid na kemikal sa loob ng unibersidad Lunes ng gabi.
Nakalabas naman agad sa Caloocan City Medical Center ang mga mag-aaral na nakilalang sina Soledad Meri, Frecia Bariz, Mary Rose Cortez, Elvera Mahinay, at Arlene Labaro, pawang mga 3rd year students ng College of Business and Arts.
Ipinag-utos naman ni Caloocan City Mayor Oscar Mala-pitan, na tumatayo ring Chairman ng Board of Regents ng UCC, na kanselahin ang klase sa unibersidad kahapon.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-7 ng gabi nang sumingaw ang inilarawan na maputi at “powdery” na kemikal sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng UCC -EDSA campus sa may Biglang Awa Street, sa naturang lungsod.
Kasalukuyang nagkaklase ang nasa 30 estudyante na agad nagsilabasan sa kuwarto. Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang mga estudyanteng naapektuhan sa pagkakalanghap ng kemikal.
Inatasan na rin ni Malapitan ang City Health Office upang madetermina kung anong uri ng kemikal ang nalanghap ng mga estudyante. Isinailalim na sa pagsusuri ng resident toxicologist ang mga biktima para maeksamin ang kanilang dugo.
Pinakilos rin ni Malapitan si Caloocan City Police Chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante upang magsagawa ng sariling imbestigasyon dahil sa hindi pa malinaw na ulat na may naghagis ng tear gas sa silid-aralan.
Nilinaw ni Malapitan na isang “isolated incident” ang naganap at tiniyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
- Latest