Kotse pinitpit ng 22-wheeler: 2 patay

Yuping-yupi ang kotseng ito makaraang salpukin ng 22-wheeler truck kahapon ng madaling-araw sa Pasig City. Nasa kaliwa naman ang nadakip na driver ng truck na nakilalang si Aaron Gutierrez. (Mga kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi makaraang salpukin ng isang 22-wheeler na truck ang isang kotse sa kahabaan ng Lanuza Avenue­ at Ortigas Avenue sa Pasig City kahapon  ng madaling-araw.

Kinilala ang mga na­sawing biktima na sina Donovan Capa, 31 at Beverly Victoriano, 17, na kapwa  lulan ng kotse.

Isinugod naman sa paga­­mutan ang dalawang nasugatang pahinante ng truck sanhi ng mga sugat na tinamo sa kanilang mga katawan.

Sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang insi­dente sa kahabaan ng nasabing lugar kung saan sinalpok ng 22-wheeler truck na may kargang 20 toneladang asukal at ng isa pang binanggang truck ang itim na kotseng sinasakyan ng mga nasawi.

Ayon sa imbestigas­yon, mabilis ang takbo ng 22-wheeler truck na minamaneho ni Aaron Gutierrez   kahit na nakapula ang traffic­ light.

Sa pahayag ni Gutierrez sa mga awtoridad, sinabi nito na nawalan umano siya ng preno ng mangyari ang insidente.

Samantalang kinaila­ngan pang gumamit ng extricator device ng Pasig Rescue Team at ng mga traffic enforcer ng Metro Manila Development Autho­rity para mahugot sa nayu­ping kotse ang mga na­sawing biktima.

Hanggang dakong alas-8:00 naman ng umaga ay hindi pa rin nahahatak mula sa lansangan ang sumalpok ng 22-wheeler, dahilan para salubungin ng masikip na trapik ang mga motorista.

Isinailalim na sa kustodiya ng pulisya si Gutierrez na nahaharap sa kasong reckless imprudence re­sulting to double homicide at damage to property.

Sinasabing kalalabas pa lamang ng pagamutan ng isa sa nasawi nang maganap ang aksidente.

Show comments