Nakialam sa away mag-asawa, sugatan sa bala

MANILA, Philippines - Malubhang  nasugatan ang isang 22-anyos na lalaki makaraang mabaril sa balakang nang makialam sa away ng mag-asawa na kanyang kapitbahay, kahapon ng madaling-araw sa Ma­labon City.

Ginagamot ngayon sa Jose Abad Santos General Hospital ang biktimang nakilalang si Larry Macuha, walang trabaho, ng Block 49 Phase 3, E-2, Dagat-dagatan, Brgy. Longos, ng naturang lungsod.

Nakatakas naman ang suspek na si Rendell Jumao-as, ng nasabi ring barangay.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na nakikipag-inuman ang misis ng suspek na hindi na binanggit ang pangalan sa grupo ni Macuha dakong alas-2:20 ng madaling-araw sa may Block 49, ng naturang lugar.

Sinundo ni Ju­­mao-as ang lasing nang misis ngunit tumanggi ito habang nakialam naman ang biktimang si Macuha. Dahil sa inis, sinipa ng suspek ang inuupuang silya ng babae sanhi upang bumagsak ito sa semento na dahilan ng pagkakagulo. Nang ma­awat, umuwi ang suspek at bumalik armado na ng isang hindi mabatid na kalibre ng baril.

Nagtangka pang tumakbo ang biktima kaya sa balakang lamang ito natamaan habang mabilis na tumakas ang suspek. Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 3 ngunit bigo na maaresto ang suspek.

Show comments