Lolo, lasog sa motorsiklo

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lolo ang nasawi nang mabangga at masagasaan ng isang motorsiklo habang naglalakad sa kalsada sa San Juan City, kamakalawa.

Nakilala ang biktima na si Nonilon Fetalvo na residente ng  Dungo St., Brgy  Isabelita, San Juan,   bunsod nang tinamong pagkabasag ng bungo at pagkabali ng mga buto.

Samantala, isinugod din sa pagamutan ang driver ng motorsiklo na si Danny Rusiana, 38, residente ng  Kagitingan St., Tondo, Maynila dahil sa tinamong sugat bunsod ng aksidente.

Sa ulat ni Traffic investigator PO2 Roger Crisologo Jr., lumilitaw na dakong alas-8:42 ng umaga ng Linggo nang maganap ang aksidente sa Santolan Road, kanto ng Perey St., sa Brgy. Isabelita.

Naglalakad umano ang biktima nang aksidenteng mabangga ni Rusiana, na lulan ng kanyang Honda motorcycle (8745NK).

Nasagasaan pa umano ng motorsiklo ang biktima at nakaladkad na naging sanhi nang pagkabasag ng bungo nito at pagkabali ng ilang buto sa katawan.

Nagtamo naman ng sugat si Rusiana nang mahulog ito sa motorsiklo.

 

Show comments