Taxi driver hinoldap na, dinedo pa ng 2 pasahero

MANILA, Philippines -Tangay na ang pera at pinapasadang taxi, pinatay pa.

Ito ang masaklap na nangyari sa isang taxi driver na na­tagpuang patay matapos na barilin ng dalawang pasahero na holdaper sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Dionisio Constantino, 45, ng Zone 2, Pingkian, Pasong Tamo, Quezon City.

Ayon kay PO2 Anthony Te­jerero, dalawang lalaki ang suspek sa insidente kung saan isa sa mga ito ay armado ng baril.

Nangyari ang insidente sa may Aurora St., Isidora  Hills, Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-9:20 ng gabi.

Sabi ng isang testigo, nag­lalakad siya sa lugar kasama ang kanyang alagang aso, nang makarinig siya ng  putok ng baril na nagmumula sa taxi, kasabay ang mga basag na bote mula rito nakita pa niya ang paghinto ng sasakyan ilang metro ang layo mula sa kanya.

Nakita umano ng testigo ang isang lalaki na bumaba mula sa unahan ng taxi na may nakasukbit na baril sa likuran at lumipat sa driver side nito. Sa takot na ma­damay, nagkunwari umano ang testigo na wala siyang alam at nagpasyang magpatuloy sa paglakad.

Matapos nito, nakita muli ng testigo ang dalawang lalaki na sumakay sa taxi at nagmamadaling umalis sa lugar patungo sa direksyon ng Cirilo St., Holy Spirit.

Sa puntong ito, nagpasya ang testigo na  bumalik sa lugar­ kung saan niya nakita ang biktima na walang buhay na duguang nakahan­dusay sa semento.

Agad niyang ipinagbigay-alam ang pangyayari sa barangay na siya namang tumawag ng pulis para sa pagsisiyasat.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments