Salvage victim natagpuan sa Caloocan

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage  ang natagpuan sa isang madamong lote sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na tinatayang nasa pagitan ng edad 20 hanggang 25-anyos, nakasuot ng itim na kamiseta at puting pantalon.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay sa gilid ng Anahaw St., Amparo Village, Brgy. 179, ng naturang lungsod.

Nabatid na isang security guard na si Armando Casim ang nakadiskubre sa bangkay.

Nag-iikot ito sa kanyang puwesto nang mapansin ang bangkay sa bakanteng lote sa gilid ng binabantayang establisimento.

Agad na iniulat ni Casim ang pagkakatagpo sa bangkay sa pulisya. Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO), nakita ang bakas ng pagkakabigti sa leeg ng biktima at tama ng saksak sa dibdib na dahilan ng kamatayan nito.

Posibleng sa ibang lugar umano pinaslang ang biktima dahil sa hindi kilala ng mga residente ang biktima.

Show comments