Nasagasaan na, binaril pa

MANILA, Philippines - Imbes na pera para pambili ng gamot,  bala ang ibinigay sa isang pedicab driver nang pagbabarilin ito ng isang truck driver na nakaaksidente sa una sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Norman Majan, 30, ng Maricaban ng naturang lungsod sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa katawan.

Hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Delson Asa, stay-in truck driver sa IPMCDC Pasay City Garbage Center na matatagpuan sa Malibay, Pasay City.

Nabatid na noong isang linggo, nabangga ng suspek ang naturang biktima, kung kaya’t alas-10:45 ng umaga pinuntahan ni Majan si Asa sa pinagtatrabahuan nito sa naturang lugar upang humingi ng pambili ng gamot.

Nairita umano si Asa, dahil nabigyan na niya ng unang halagang P500 ang biktima  hanggang sa nagtalo ang mga ito  at binunot nito ang nakatagong baril saka pinaputukan si Majan.

Agad namang isinugod ng mga saksi sa paga­mutan ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspect. Patuloy pang iniimbestigahan ang naturang kaso.

Show comments