Duwelo: Sekyu utas sa kapwa sekyu

MANILA, Philippines - Patay ang isang guwardya makaraang makipag-duwelo sa kapwa niya guwardya matapos magtalo ang mga ito hinggil sa schedule ng kanilang duty, kahapon ng umaga sa Makati City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Allan Monilla, ng Santo Niño, Brgy.  San Martin De Porres, Parañaque City sanhi ng tinamo nitong maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa kalibre .38 baril.

Nakakulong naman nga­yon sa Makati City Police detention cell ang suspek na si Dante Dangalan, 37, ng  Mandaluyong City.

Sa inisyal na report ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-6:25 ng umaga sa loading area ng Union Bank, na matatagpuan sa panulukan ng Makati Avenue at Durvan St., Brgy, Poblacion ng naturang lungsod.

Nabatid na kapwa sekyu sa naturang establisimento sina Monilla at Dangalan.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa schedule ng kanilang duty hanggang sa humantong sa kanilang pagdu-duwelo

Ngunit naunahan ni Da­ngalan na  pagbabarilin nito si Monilla, na naging sanhi ng agaran  nitong kamatayan.

Nadakip naman nang rumispondeng mga pulis si Dangalan.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments