Akyat-bahay huli sa akto

MANILA, Philippines - Mistulang dagang nasakote ang isang kilabot na magnanakaw makaraang makorner ng tanod at taumbayan nang mahuli sa akto sa loob ng isang bahay na pinasok nito, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nahaharap sa kasong pagnanakaw ngayon ang nadakip na suspek na nakilalang si Rafael Cabuang, 27, residente ng GMI Village, Brgy. Lingunan, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Valenzuela Police, umalis kama­kalawa ng umaga sina Yolanda Francisco, 56, at mga kaanak nito sa kanilang bahay sa New York St, Ciudad Grande, Brgy. Lingunan, at dakong alas-9 na ng gabi nang magsibalik.

Agad na napansin ng ginang na sira ang kandado ng pinto ng bahay kaya dahan-dahan nilang sinilip ang bintana ng bahay at naaninag ang isang lalaki na abala sa paghalughog sa bahay.

Dito na humingi ng saklolo ang mag-anak na Francisco sa mga barangay tanod at sa mga kalugar na pinalibutan ang bahay.  Nagtangka pa umanong tumakas ang suspek ngunit hindi na ito nakaalpas sa mga otoridad at taumbayan.

Nabawi sa posesyon ng suspek ang isang pouch na naglalaman ng mga alahas at pera. Nahaharap ito ngayon sa kasong theft.

Show comments