Ex-PNP officer itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Isang retiradong pulis ang napatay matapos pagbabarilin ng motorcycle-riding-gunmen sa bahagi ng Barangay Pinyahan sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Benjamin Paulo, 58, retired police officer na naka­talaga sa Traffic Management Group at nakatira sa #18 Mapang-akit St. sa na­sabing lungsod

Sa ulat ni PO2 Erick Isidro, naganap ang krimen sa harap ng RCS Insurance Service sa #8-B Criseden Building, Matapang Street sa nabanggit na barangay.

Ayon sa testigong si Herardo Morales, nakaupo umano ang biktima sa harap ng insurance office kung saan dati itong liaison officer nang biglang lapitan at ratratin ng  lalaking  naka-helmet.

Si Paulo ang pang-anim­ na sa napapatay sa Quezon City ng riding-in-tandem sa pagpasok ng “ber month” na hanggang sa kasalukuyan ay hindi nalulutas ng pulisya.

Show comments