Waiter, pisak sa truck

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 20-anyos na waiter matapos na masagasaan  at  kinaladkad  pa ng may 200 metro ng isang ten-wheeler truck sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot si Christian Belmin, 20, binata, waiter ng Haydie’s Videoke Bar at residente ng San Pedro St., Ibayo Tipas, Taguig City. Wakwak  ang  tiyan, luwa ang bituka at lamang-loob at nagkalasug-lasog ang katawan ng biktima.

Arestado naman ang suspect na nagtangka pang tumakas na si Roger Colarina, 27, driver ng truck (UIM-457) na may markang Golden Dice Mar­keting sa may F. Villa Jua­nita, M.L.Quezon, at Cai­mito, Pinalad, Taguig City.

Nangyari ang insi­dente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa M. Concepcion St., Brgy. San Joaquin, Pasig
City nang bigla na lang umanong sumulpot sa lugar­ ang truck at binangga ang nakahintong kulay puting Toyota Corolla taxi na may plakang UVT-901 na minamaneho ni Carmelino Segovia, 53, ng Brgy. San Joaquin, Pasig City.

Sa halip naman  huminto ang driver ng truck ay nagtuluy-tuloy ito hanggang sa mahagip naman si Belmin na noon ay patawid sa nasabing kalsada. Hindi pa rin umano huminto ang suspect at nagtuluy-tuloy sa pagmamaneho kaya’t nakaladkad ang
biktima, na sumabit ang katawan sa bumper at unahang gulong nito.

Huminto lang umano ang suspect nang maabutan ng red light sa M.Concepcion St., Barangay San Joaquin at saka pa lamang nalaglag ang bangkay ng biktima.

Ang suspect ay nahaharap na sa kasong paglabag sa reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.

Show comments