LRT 1 nagkaaberya na naman

MANILA, Philippines - Muling nagkaroon ng aberya­ ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 makaraang magliyab ang kable ng kur­yente nito kamakalawa ng gabi na nagresulta sa problema sa suplay ng kuryente sa buong maghapon kahapon.

Nabatid na maghahating­gabi kamakalawa nang mag­liyab ang cable wire track na nasa ilalim ng bato sa riles sa pagitan ng  United Nations Avenue at Pedro Gil stations.  Agad namang rumesponde ang mga bumbero at mabilis na naapula ang apoy.

May kaugnayan umano sa pagpapatakbo ng tren at signal ling ang nasunog na mga kable. 

Sinabi ni LRT spokesman Atty. Hernando Cabrera na dakong alas-5 na ng umaga nang matapos ang pagku­kumpuni.

Dahil dito, halos isang oras na late ang pagbubukas ng operasyon ng LRT-1. Dakong alas-5:55 na ng umaga nang mabuksan ang lahat ng istasyon nito mula Baclaran hanggang Roosevelt Station.

Nagdulot ito ng matin­ding galit sa mga libu-libong pasahero kung saan naging napakahaba ang pila sa mga istasyon dahil sa pagkaka­antala ng pagbubukas.

Nakadagdag pa sa problema ang mahinang suplay ng kuryente na pumapasok sa sistema ng LRT-1 sanhi upang magbawas ng bumibiyaheng tren ang LRTA.

Sinabi ni Cabrera na 17 tren lamang ang kanilang pinatakbo buhat sa normal na 28 upang maiwasan ang dagdag na “power tripping”.

Show comments