3 empleyado ng MMDA, arestado sa ‘paihi’

MANILA, Philippines - Tatlong empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang inaresto ng mga awtoridad matapos na umano’y ‘magpaihi’ o mangulimbat  ng diesel mula sa truck ng MMDA para ipagbili sa mga jeepney driver sa EDSA-Crossing sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng Mandaluyong City Police ang mga suspek na sina Roderick Gutang, 38, driver; Luis Bitangcol, 36 at John Tuplado, 28,  pawang nakatalaga sa MMDA-Clearing Operations Group.

Ang tatlo ay inaresto ng mga miyembro ng Anti-Vice Unit ng Mandaluyong City dakong alas-2:00 ng madaling araw habang ipinagbibili ang ninakaw na diesel sa mga jeepney driver sa terminal ng jeepney sa Brgy. Highway Hills.

Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang mga pulis hinggil sa illegal na gawain ng mga suspek kung saan ay nagpapaihi ang mga ito ng diesel mula sa kanilang truck. Nasa akto umanong ginigising ng mga suspek ang mga natutulog na jeepney driver at inaalok ng diesel nang dakpin ang mga ito.

Ayon kay Francis Martinez, head ng Metro Parkway and Clearing Group ng MMDA, tinatayang aabot sa limang galong diesel ang nakumpiska mula sa mga suspek.

Tuluyan nang sinibak ang tatlo, habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng ahensya kung sinu-sino pa ang sangkot sa naturang operasyon o pagnanakaw sa tanggapan. Inaalam naman na umano nila sa ngayon kung paano ‘nakapagpapaih­i’ ng diesel ang mga suspek gayung naka­kandado naman ang lalagyan ng gasolina ng truck na may lingguhang alokasyon ng diesel na aabot sa 40 litro.

Show comments