Dahil sa pambu-bully car wash boy utas sa tarak ng kasamahan

MANILA, Philippines - Patay ang isang car wash boy matapos pasukin sa loob ng kanyang quarter ng isang kasamahan na hindi na umano matiis ang pambu-bullly ng una sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Si Jun Gonzales, 30, ay agad na nasawi matapos na magtamo ng mga saksak sa buong katawan, ayon kay PO2 Rhic Pittong, may-hawak ng kaso.

Hawak naman ng awtoridad ang suspect na si Marlon Gultiano, 24, matapos na su­muko sa Barangay Public Safety Officers (BPSOs) makaraang isagawa ang krimen­.

Ayon kay Pittong, ang insidente ay naganap sa loob ng quarters ng biktima at suspect na matatagpuan sa Bumper To Bumper Carwash na nasa Cambridge St., Brgy. E. Rodriguez. Natutulog noon ang biktima nang pagsasaksakin ng suspect.

Ayon kay Gultiano, nagawa niya ang nasa­bing bagay dahil madalas sila ng kanyang mga kasamahan na pagalitan ng biktima hingil sa trabahong ginagawa nila sa carwash. Bukod pa na sa tuwing ito (biktima) ay malalasing ay hinahamon siya nito ng suntukan.

“Minamaliit niya ako palagi ,” sabi pa ng suspect.

Bago umano sila matulog, dumating umano ang biktima sa carwash at muling pinagalitan ang mga trahabador kabilang ang suspect.

Dagdag pa ng suspect, matutulog na umano sila sa kanilang quarters nang gisingin siya ng biktima na nasimulang manggulo at pagsusuntukin siya kaya niya ito pinagsasaksak nang makitang natutulog na.

Show comments