Kagawad ng BJMP, utas sa tandem

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang 44-anyos na miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nang dikitan habang nagmomotorsiklo ng riding in tandem at saka limang ulit na binaril sa Tayuman, Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si  JO4 Benjamin Signat, residente ng  Cabangis st., Tondo, Maynila.

Sa ulat ni SPO2 Manuelito Vibar ng  Manila Police District-Police Station 3, dakong alas-8:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Ma­labon­­ at Felix Huertas Streets.

Nabatid na papasok na sa trabaho at nakasuot pa ng uniporme pa­tu­ngong Manila City Jail ang biktima sakay ng kanyang Kymco motorsiklo (8520-XP), nang dikitan ng isa pang motorsiklo kung saan lulan ang dalawang lalaki at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima. Nang  bumagsak sa motorsiklo ang biktima ay iniwan na ito ng dalawang suspect.

Nakarekober ng mga awtoridad ang mga basyo ng bala mula sa  kalibre .22 na pistola, na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaslang.

Iniimbestigahan pa ng MPD-Homicide Section ang nasabing kaso upang matukoy ang motibo at matunton ang mga suspect.

 

Show comments