Miyembro ng ‘Sputnik’ binurdahan ng saksak

MANILA, Philippines - Burdado ng saksak nang matagpuan ang isang hindi pa kilalang lalaki na miyembro ng ‘Sigue-sigue Sputnik gang’ sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng 35-40 taong gulang, may taas na 5’2’’, semi-kalbo, nakasuot ng puting t-shirt, maong na pantalon, at may tattoo ng “RIP” sa itaas na bahagi ng  dibdib.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:50 ng madaling-araw nang makita ng mga nagdaraang tao ang nakahandusay na katawan ng  biktima sa may Road 10, Tondo.

Wala pang nakuhang impormasyon ang pulisya hinggil sa kung paano at sino ang responsable sa krimen.

Inilagak ang bangkay sa Universal Funeral Homes  para sa safekeeping.

Show comments