Nagseselos kay kumpare
Dear Dr. Love,
Lagi akong nangungutang kapag alam kong kakapusin na kami sa budget. Naranasan ko nang umutang sa bumbay kaso sobrang laki ng tubo na minsan abunado pa ako. Wala naman kaming malaking business kundi ang magtinda ng mineral water na binibili lang din namin ng wholesale.
Kaya naisipan kong lapitan si kumpare. Alam kong nagpapautang din siya at maliit lang ang tubo. Sinabihan ko siya na huwag ipaalam sa mister ko dahil seloso ‘yun.
Nagkamali ako dahil naging mabusisi ang mister ko. Bakit lagi daw akong hinahanap ni kumpare. Lagi akong sinusumbong ng kapatid niya.
Gusto ko lang naman na tuloy-tuloy ang kita namin sa aming paninda. Kaso hinahaluan pa ng mister ko ng selos. Kaya kinumpronta niya si kumpare. Galit na galit dahil sa selos.
Sinabi ni kumpare na may utang ako sa kanya. Ako naman ang pinagbutungan ng kanyang galit. Hindi ko tuloy alam ang gagawin. Ako na nga itong nag-iisip para madagdagan ang kita namin dahil kakapusin kami kung aasa lang sa sweldo ng mister ko, pero napapasama pa.
Pagpayuhan po ninyo ako.
Marissa
Dear Marissa,
Tama naman ang hangarin mo. Mas mainam siguro na ipaalam mo sa mister mo ang mga gusto mong mangyari para hindi siya nagdududa o nagseselos.
Gumawa ka ng paraan para maunawaan niya ang ginawa mo, para maibsan ang kanyang galit. Humingi ka rin ng tawad sa hindi mo pagsasabi sa kanya. At sabihan mong walang masamang intensyon ang kumpare ninyo dahil sa pagpapautang siya kumikita. Hangad ko na magkaayos ka-yong mag-asawa.
DR. LOVE
- Latest