Ang akala’y biro, tototohanin pala
Dear Dr. Love,
Isa akong tutor ng mga nursing students. Dahil sa dedikasyon ko sa aking propesyon ay tumanda na akong binata. Marami na akong experience na naaakit ako sa aking mga nagiging estudyante. Pero syempre, professional ako at hindi ako pumapatol sa estudyante ko.
May naging estudyante ako na sinabihan ako na kapag naka-graduate siya at naging professional na rin ay hahanapin daw niya ako at hindi siya titigil na mapasagot niya ako. Mukhang ako pa ang nililigawan.
Hindi naman ako gwapo, pero may konting kakulitan. Siguro ‘yun ang nagugustuhan nila sa akin, ang pagiging kwela ko at malambing.
Ang akala ko hindi niya tototohanin. Nagulat na lang ako na bumalik siya at tinatanong niya kong single pa rin ako. Natawa lang ako sa kanya at hindi ko na-feel ang mga sinabi niya noon.
Pero in fairness, mas maganda siya ngayon kaysa noong estudyante ko pa siya.
Anyway, to make my story short, nakuha niyang paikutin ang ulo ko. Sinimulan niya sa mga paaya-aya sa paglabas para kumain at magkwentuhan nang kung anu-ano.
Hanggang muling tumibok ang puso ko. May edad na ako at ayaw ko sanang agawin ang mga pangarap niya.
Sabi niya, kahit anong mangyari basta’t maging kami dahil matagal na siyang nagtitiis dahil mahal na niya ako.
Arnold
Dear Arnold,
Nakakabilib ang determinasyon ng girl na naging estudyante mo. Mukhang tinamaan nang husto sa iyo. Wala namang problema kung wala kayong committment sa iba.
Kung may nararamdaman ka na rin sa kanya, ituloy mo na. Kayo naman ang gagawa ng inyong future. Huwag kang mag-alala sa edad, marami namang ganyan din ang situwasyon tulad ng sa inyo.
Mas mainam na mapunta siya sa tamang tao na mahal niya. ‘Yun ay ikaw.
Kaya huwag kang mangamba, sa halip ay magpasalamat ka sa Maykapal at may nagmamahal sa iyo.
DR. LOVE
- Latest