‘Yumawyaw’ dahil sa selos

Dear Dr. Love,

Ako po si Vladimir. Wala ang misis ko nga-yon, nag-iisa ako.  Nagkaroon kami ng misunderstanding. Hindi ko naman siya sinaktan ng pisikal. Nasaktan lang siya sa mga sinabi ko.

Alam ko naman na mali ang nasabi ko sa kakayawyaw ko. Nabigla lang kasi ako.

Nagselos ako sa bagong nangungupahan na kapitbahay namin. Sobrang angas kasi ng lalaki, makikisuyo lang sa misis ko may kasama pang tapik sa balikat niya. Nagpintig ang paningin ko kaya ang dami ko ng nasabing hindi maganda.

Iniwanan ako ni misis. Hindi ko naman siya pinaalis. Hayun, nagsumbong sa mga kapatid niya.

Hindi ko alam kung kailangan ba na sunduin ko siya? Pero kapag sinundo ko siya ay baka ayawin lang ako ng mga kapatid niya.

Vladimir

Dear Vladimir,

Kung may makakausap ka na pwedeng suyuin ang misis mo, lapitan mo. Gawin mo ito bago mo po siya sunduin para hindi ka awayin ng mga kapatid niya. Tampo lang ‘yun. Kapag nakahinga na nang malalim ay babalik din ang misis mo sa inyo.

Syempre hindi naman niya pwedeng pabayaan ang mga anak ninyo. Ang una mong dapat gawin kapag nakausap mo na siya ay humingi ng tawad. Sabihin mong nabigla ka lang dala ng iyong selos. Ikaw ang padre de pamilya kaya ikaw dapat ang maging matatag. Kung may dapat magpa-kumbaba, ikaw ‘yon.

DR.LOVE

Show comments