Uhaw

(Pilipino Star Ngayon) - November 29, 2020 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Tulungan mo po ako bago ako tuluyang mahulog sa tukso. Tawagin mo na lang akong Erly, isang plain housewife at ang asawa ko ay tatlong taon nang OFW sa Saudi Arabia. Wala akong kasama sa bahay kundi isang kasambahay na malayong kamag-anak ng mister ko.

Aaminin ko na ako’y mahina sa tukso. Sa panahong magkalayo kami ng mister ko, iniraraos namin ang aming pananabik sa isa’t isa sa aming video calls.

Pero dumating ang puntong nagsasawa na ako sa ganung arrangement. Nais kong madama ang init ng kanyang bisig at halik.

Ang nagde-deliver ng gas sa amin ay makisig at matipuno ang katawan. Madalas ay dinidigahan niya ako at nagpaparamdam. Alam niya na magkalayo kami ng aking asawa.

Alam kong mali na pagtaksilan ko ang aking asawa pero kinikilig ako sa kanyang makahulugang titig at pagpaparamdam na may pagnanasa siya sa akin.

Madalas tuloy na naiisip ko siya at hinihintay na yayain akong lumabas. Bakit ganito? Alam kong kasalanan ang nararamdaman ko pero bakit gusto ko itong mangyari.

Please help me.

Erly

Dear Erly,

Sabi mo mahina ka sa tukso, pero sa tingin ko ay may lakas ka pa dahil hindi ka pa bumibigay bagamat inamin mo na sa kalooban mo ay may lihim kang pagnanasang may mangyari sa inyo ng iyong taga-deliver ng gas.

Isipin mo lang lagi ang paghihirap ng mister mo sa ibayong dagat at dahil dito, dapat lang na suklian mo ito ng ibayong katapatan.

Sabihin mo sa asawa mo kung gaano mo nami-miss ang init ng kanyang pagmamahal at kailan man ay hindi mo siya ipagpapalit kanino man.

Higit sa lahat, palagi kang manalangin sa Diyos upang bigyan ka ng kalakasang malampasan ang ano mang pagsubok at tukso. Ang sabi nga ng Salita ng Diyos “magagawa ko ang lahat kasama si Kristo na nagpapalakas sa akin.”

Hayaan mo na lang ang inyong kasambahay na humarap sa taga-deliver ng gas tuwing darating ito. Kung hanapin ka niya sa katulong, ikaw na ang gumawa ng dahilan.

Dr. Love

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with