Huwan nang balikan ang nakaraan
(Pilipino Star Ngayon) - September 19, 2020 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Ako po si Leo na taga Sta. Mesa. Naglilingkod po ako ngayon dito sa Parokya ng Banal na Puso. Marami akong pinagsisisihan sa aking buhay. Naligaw ako at nalulong sa masamang bisyo. Gumagamit po ako noon at nagtutulak.

Pati ang aking pamilya ay nadamay. Ngayon magkahiwalay kami ng asawa ko. Noong una, kapag naaya akong uminom, hayun pagkatapos bumabatak kami.

Hindi ako nakinig sa aking asawa, kaya nagdesisyon siyang hiwalayan ako. Naapektuhan na rin kasi ang anak namin. Mabuti at hindi ako pinabayaan at iniwan ng aking inay. Tinakwil na ako ng tatay ko, kung kelan daw kasi ako nagkapamilya saka pa ako nagbisyo.

Natanggal din ako sa trabaho nang mag-positive ako. Ilang beses na rin akong nahuli at nakulong. Mabuti at may mga taong lumapit sa akin, sila ang mga member ng Sanlakbay.

Pasalamat ako sa kanila dahil nagtiwala sila sa akin at inalalayan ako hangga’t hindi ako nakakakawala sa pang-aalipin ng droga.

Binigyan nila ako ng isa pang pagkakataong magbago. Pero hindi rin iyon naging madali, may mga panahon na hinahanap-hanap ko ang nakasanayan ko.

Pero naisip ko na kung hindi ko tutulungan ang aking sarili, sino pa ang magtitiyaga at magtitiwala sa akin? Mabuti at nabigyan pa ako ng panibagong landas. Pasalamat ako sa Poong Banal na Puso at hindi niya ako hinayaang matukhang at ginabayan niya ako sa tulong ng mga anghel na pinadala niya sa akin, ang Sanlakbay community. Ngayon po ang dalangin ko, ma-ging maayos muli ang nasira kong pamilya. Sana maging isang halimbawa sa mga kabataan ang karanasan ko, na walang ma-dudulot na maganda sa buhay ang anumang bisyo.

Maraming salamat po.

Leo

Dear Leo,

Tiyak marami kang matutulungan na hanggang ngayon ay naghahanap ng solusyon sa kanilang kalagayan, tulad mo dati. Ang lahat naman ay nararapat lang na mabigyan ng isa pang pagkakataon. Isa ka sa mapalad, kaya huwag mo nang balikan ang iyong nakaraan at huwag mong sayangin ang tiwalang ipinakita sa iyo ng mga taong handang tumulong sa katulad mo.

Hayaan mo may awa ang Diyos at hindi ka niya tatalikuran at pababayan. Anuman ang mga pangarap mo ngayon ay isaisahin mo nang pagsumikapan. Huwag mo nang paluhaing muli ang iyong mga mahal sa buhay.

Ito na ang panahon upang makabawi ka sa kanila at mapasaya mo sila sa iyong paninindigan na talikuran ang masamang bisyo.

DR. LOVE

 

 

PUSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with