Marriage for convenience

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Jing, 23-anyos at nakatakdang mag-abroad patungong Texas, USA sa susunod na taon. Ikakasal ako sa isang American na 71-anyos. For convenience lang ang arrangement na ito, Dr. Love dahil gusto kong maging US citizen. Ganun din ang ginawa ng brother ko na lalaki na nagpakasal sa isang 60-anyos na biyuda pero pagkatapos ay nag-divorce din sila.

Ipinakilala ng brother ko ang aking pakakasalang matanda at nagkakausap kami sa Skype. Pero nag-iiba ang tono niya. Nagtapat siya ng pag-ibig sa akin at gusto raw niya akong maging tunay na asawa.

Mukha naman siyang disenteng tao pero ayaw kong magpakasal sa isang malaki ang tanda sa akin na puwede ko nang maging lolo.

Kaya nag-iisip ako ngayon. Papaano kung seryoso siya na maging asawa ako?

Jing

Dear Jing,

Unang-una, kailanman ay hindi ko pinaboran ang tinatawag na marriage for convenience. Ang kasal ay sagrado at hindi ito dapat gawing biro ano man ang dahilan mo.

Isa pa, estrikto na sa Amerika ngayon hinggil sa pagpapakasal ng dayuhan sa isang US citizen. Alam na ng immigration na ito’y puwedeng isang gimmick lang para makakuha ng citizenship ang isang dayuhan.

Dahil dito, isang requirement na oobserbahan ang dalawang nagpakasal kung talagang nagsasama sa iisang bubong sa loob ng mahabang panahon.

Kaya kung ako ikaw, kakalimutan ko na ang ganyang klaseng arrangement na hindi mabuti dahil may elemento ng dishonesty. Maliban na lang kung darating ang araw na iibig ka sa matandang Amerikano na nag-propose sa iyo. Diyan, wala akong tutol. After all “age doesn’t matter.”

Dr. Love

Show comments