Batang ama ang anak
Dear Dr. Love,
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naging batang ama ang anak kong si Chito. Labing-pitong taon pa lang siya at ang ka-live-in niya ay 24 anyos.
Balak ng anak kong ibigay sa mga magulang ng kanyang ka-live in na si Didi ang sanggol dahil hindi pa raw siya handa maging daddy. Tinutulan ko po ito at nag-volunteer na ako na lang muna ang mag-aalaga sa aking apo habang nagpapagaling ang kanyang ina.
Biktima po si Didi ng bawal na gamot, kaya kailangan niyang magpagaling. Ang totoo po maging ang anak ko ay dati rin naugnay sa illegal drugs pero salamat sa Dios at nalampasan na niya ito. Sa kagustuhan niyang matulungan si Didi hanggang ayaw na siyang pakawalan nito. Ang sanggol ay bunga ng minsang pagniniig nila habang lango sa droga si Didi.
Ako po ay 65-anyos na at bagaman hindi ko na matiyak na makakaya ko panag mag-aruga ng sanggol ay nakahanda po ako sa obligasyon. Dahil hindi ko po mapapayagan na lumaking kulang sa pagmamahal ang aking apo. Payag naman po ang mga magulang ni Didi sa aking suggestion, para maalagaan naman nila ng mabuti ang kanilang anak at gumaling ito agad.
Ang pangamba ko lang po ay sa sandaling mapamahal na sa amin ng husto ang bata ay saka nila babawiin. Gusto ko rin po na matutunan ni Chito na mahalin at arugain ang kanyang sariling anak. Pagpayuhan po ninyo ako. Maraming salamat.
Gumagalang,
Mrs. Lazala
Dear Mrs. Lazala,
Ituloy mo ang inaakalang mong pinakamabuti para sa iyong apo, nasa iyo ang karapatan bilang lola. Lalo pa’t wala pa sa hustong gulang ang iyong anak at wala sa kapasidad ang ina ng bata para alagaan ang sanggol.
Humahanga ako sa pagiging lola mo, kasama mo ang pitak na ito sa panalangin na sa tamang panahon ay ma-realize ng iyong anak ang bahagi niya bilang ama ng iyong apo.
Palayain mo rin sa iyong kalooban ang mga pangamba. Dahil kahit pa dumating ang sandaling kunin na ang bata, ang naitanim mong pagmamahal sa iyong apo ay hindi mawawala.
DR. LOVE
- Latest