Paggamit ng AI at deepfakes, bawal sa 2025 polls – Comelec
MANILA, Philippines — Target ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at deepfakes sa pangangampanya para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
“Kukumbinsihin ko po ang ating Commission en banc na ipagbawal namin sa campaign ang paggamit ng deepfakes at saka po AI,” ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Ipinaliwanag ni Garcia na marami ang malilito, magkakaroon ng misrepresentasyon at maraming hindi makatotohanan na mangyayari kung gagamitin ang mga ito.
Sa isang memorandum kamakalawa, una na ring tinukoy ng poll chief na ang banta ng AI technology at deepfake ay isa sa mga alalahanin ng ilang election management experts.
Tinukoy pa nito na maging si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ay nabiktima na ng AI deepfake videos upang linlangin ang publiko.
- Latest