PNP: Konek ni Mayor Guo sa Chinese Communist Party sinisilip
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang ulat na umano’y posibleng koneksiyon ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Chinese Communist Party (CCP).
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, inatasan na niya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang Intelligence Group (IG) na siyasating mabuti ang impormasyon na nag-uugnay kay Guo sa CCP.
Lumitaw sa isang video na inilabas sa X na dating Twitter, na isang malaking pamilya ang Guo na mula Fujian at kumalat sa buong Asya.
Sinasabing ang Fujian ay lugar ng mga komunista.
Sinabi ni Marbil na lahat ng impormasyon na kanilang natatanggap ay pinagsasama-sama upang masiguro na tama ang kanilang imbestigasyon.
Isinasangkot si Guo sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban na sinalakay ng mga operatiba dahil sa iba’t ibang illegal activities.
Ani Marbil, kailangan na konkreto ang kanilang hawak na ebidensiya at imbestigasyon dahil isang public official ang sangkot dito.
Dagdag pa ni Marbil, agad nilang ihahayag ang resulta ng imbestigasyon kay Guo.
- Latest