Misuari, guilty sa kasong graft
MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Sandiganbayan si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Nur Misuari at anim na iba pa sa dalawang bilang ng katiwalian kaugnay ng maanomalyang pagbili ng may P77 milyong halaga ng learning tools mula 2000 hanggang 2001.
Pinatawan ng Sandiganbayan 3rd Division ng 6-8 taong pagkabilanggo ang bawat count ng kaso ni Misuari, na dumalo sa pagbasa ng sakdal sa pamamagitan ng video conferencing.
Bukod sa kulong, ipinagbabawal din ng batas na makapuwesto si Misuari sa anumang posisyon sa gobyerno.
Kapwa akusado ni Misuari sa kaso sina Leovigilda Cinches, Pangalian Maniri, Sittie Aisa Usman, Alladin Usi, Nader Macagaan at Cristeta Ramirez.
Itinanggi ni Misuari na may kinalaman siya sa P77 milyong halaga ng pagbili ng mga learning tools dahil consummated na umano ito noon pang panahon ng kanyang successor na si Parouk Hussin mula 2003 hanggang 2004.
Niliwanag din ni Misuari na dismiss ang kanyang kasong malversation of funds na patunay na walang ebidensiya na nagpapatunay sa anumang irregular transactions na nauugnay sa kanya.
Hindi naman ito kinilala ng graft court dahil sa nakitang ebidensiya na nagdidiin sa kanya sa maanomalyang pagbili ng textbook noong opisyal pa ng pamahalaan.
- Latest