Ex-PDEA agent Morales laya na sa Senado
MANILA, Philippines — Pinalaya na ng Senado sina dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonahan Morales at dating National Police Commission staff Eric Santiago.
Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Retired General Roberto Ancan, pasado alas-7 kagabi pinalaya ang dalawa.
Sa sinasabing “PDEA leaks” ay isinasangkot ng dating PDEA agent si Pangulong Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Si Morales ay pina-contempt ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada matapos magsagutan at magsinungaling sa nilalaman ng kanyang personal data sheet.
Habang si Santiago ay pina-contempt ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Bato dela Rosa matapos sabihin na gawa-gawa lang niya ang banta sa buhay ni Morales para maipatawag ito sa Senado.
Kinailangan ding pakawalan na ang dalawa dahil nitong Miyerkules ay naka-sine die adjournment o natapos na ang 2nd regular session ng 19th Congress.
- Latest