Escudero umaming promotor ng kudeta vs Zubiri
MANILA, Philippines — Inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na siya ang nagsimula at kumausap sa mga kasamahang senador upang mapalitan sa puwesto si dating Senate president Juan Miguel Zubiri.
Bagaman at hindi na inilabas sa plenaryo maging sa publiko ang resolusyon na nagpatalsik kay Zubiri, inamin ni Escudero na siya ang unang pumirma rito.
“Ako (ang unang pumirma). Kayo naman kasi ang nakikita niyo ‘yung resolution kasi ‘yung isa lang pahina, pwede namang hiwa-hiwalay yun. So walang una, walang pangalawa,” ani Escudero.
Nauna rito, sinabi kamakalawa ni Zubiri na noong nakaraang Miyerkules (Mayo 15) niya nalaman na may mga senador na kumikilos upang mapatalsik siya sa puwesto.
Pero sinabi ni Escudero na hindi niya alam kung sino ang nagsabi kay Zubiri noong Miyerkules dahil noong Huwebes lamang siya nagsimulang mangausap ng mga kasamahang senador.
“Actually hindi ko alam kung saan n’ya nalaman ng Wednesday kasi Thursday pa lang unang may kinausap ako eh, so hindi ko alam kung sino ‘yung Wednesday,” ani Escudero.
Kinumpirma rin ni Escudero na 15 senador ang pumirma sa resolusyon tungkol sa pagpapalit ng liderato.
Ipinaliwanag din ni Escudero na hindi na kailangan pang ipakita ang resolusyon dahil nangyayari naman ang pagpapalit ng Senate President sa pamamagitan ng “gentlemanly conduct.”
“There was no need (ipakita ang resolusyon. Again, gusto mo naman masakit sa buhay palagi. In the past...ang pagpapalit ng SP is always arrived at through a gentlemanly conduct. I think 9 out of 10 except nung mga unang panahon. Ang SP hindi tinatanggal, nagbibitiw. So hindi na kailangan ng kung anumang declaring vacant,” ani Escudero.
Palagi rin aniyang “payapa at hindi magulo” ang pagpapalit ng lider ng Senado taliwas sa mga nakaraang pangyayari sa House of Representatives na palaging may gulo at bangayan.
- Latest