Target na 3 milyong botante nalagpasan na
MANILA, Philippines — Nalampasan na ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong milyong botante na target nitong mairehistro para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, hanggang nitong Mayo 20, 2024 pa lamang ay umabot na sa 3,020,999 ang kabuuang bilang ng mga aplikasyong kanilang naiproseso.
Ito ay mahigit apat na buwan pa bago tuluyang sumapit ang deadline ng voter registration period na itinakda sa Setyembre 30.
Mas marami ang mga babaeng botante na nagparehistro, na umabot sa 1,558,506, kumpara sa mga lalaking botante na 1,462,493 lamang.
Ang Region IV-A (Calabarzon) pa rin naman ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng botante na nagparehistro, na umabot sa 541,724.
Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na may 440,857; at Region III (Central Luzon) na may 349,926.
Pinakakaunti ang nagpatala sa Cordillera Administrative Region (CAR) na umabot lamang sa 39,059 habang ang Comelec main office naman sa Maynila ay nakaproseso ng 5,443 aplikasyon.
Una nang inianunsiyo ng Comelec na nasa 4.2 milyong botante ang kanilang idineactivate o inalis sa voter’s list bunsod ng iba’t ibang kadahilanan, pangunahin na rito ang pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Ang voter registration para sa midterm polls ay sinimulan ng Comelec noong Pebrero 12, 2024.
- Latest