Zubiri ‘out’ na, Chiz bagong Senate President
MANILA, Philippines — Naluklok bilang bagong lider ng Senado si Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos mag-resign sa puwesto si Senator Juan Miguel Zubiri.
Nauna rito, umugong ang balita na iku-kudeta ng nasa 15 senador si Zubiri.
Sa isang panayam bago magsimula ang sesyon, inamin ni Zubiri na “heartbroken” siya lalo pa’t hindi naman siya kalaban ng mga nasa kapangyarihan.
“Siyempre heartbroken. Alam mo naman hindi siguro tayo kalaban ng the powers that lead,” ani Zubiri.
Idinagdag nito na dahil mayroon siyang hindi nasunod na “instructions” kaya siya “nadale.”
“Pero dahil not following instructions kaya nadale tayo,” ani Zubiri.
Hindi naman binanggit ni Zubiri kung ano ang “instructions” na hindi niya nasunod kaya kinailangan niyang mag-resign bilang Senate President.
May ulat na ukol ito sa hindi niya napigilang imbestigasyon ng komite ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa tungkol sa nag-leak na lumang dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nakaladkad ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at actress na si Maricel Soriano.
Sa kanyang emosyonal na talumpati, inisa-isang pinasalamatan ni Zubiri ang mga kasamang senador kasama si Dela Rosa na hindi napigilan ang pag-iyak.
Sinabi rin ni Zubiri na patuloy niyang susuportahan ang independence ng Senado at nagpapasalamat siya sa lahat ng mga sumuporta sa kanya.
Si Senator Alan Peter Cayetano ang nag-nominate kay Escudero bilang bagong Senate President na hindi na kinailangang daanin sa botohan dahil wala naman itong kalaban at kayang komontra.
Kasamang nanumpa ni Escudero ang asawang si Heart Evangelista sa harap ni Sen. Mark Villar, ang pinakabatang miyembro ng Senado.
Sa kanyang talumpati matapos manumpa, kinilala ni Escudero ang mga nagawa ni Zubiri bilang lider ng Senado.
Ipinaalala rin ni Escudero na dati na silang magkaiba ng grupo ni Zubiri kung saan kasapi siya (Zubiri) ng “Spice Boys” sa Kamara na naging instrumento upang magtagumpay ang impeachment complaint laban kay dating Pangulong Joseph Estrada samantalang kasapi naman ng “Bright Boys” ni Estrada si Escudero.
Samantala kabilang sa mga nahalal bilang mga bagong leader ng Senado si Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na pinalitan si Sen. Loren Legarda at Senate Majority Leader Francis Tolentino na pinalitan si Sen. Joel Villanueva.
Nag-resign naman sa kanilang mga pinamumunuang komite sina Senators Nancy Binay at Sonny Angara.
- Latest