Kamara naghahanda na sa 3rd SONA ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Nagsimula ng maghanda ang Kamara sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Hulyo.
Ito’y alinsunod sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ikasa ng maaga ang ipatutupad na seguridad sa ulat sa bayan ng Pangulo.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, sinimulan na ang Inter-Agency Coordination Meeting kamakalawa na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Kamara, Office of the President, Senado at iba pa.
“The objective of the coordination meeting is to stage a SONA that is better than last year,” pahayag ni Velasco.
Kabilang sa tinalakay ang scenario ng pagpaplano, room assignments, medical updates, preparasyon sa plenaryo, pangangaswia sa seguridad, traffic rerouting at media coverage.
Ibinahagi naman ni House Sergeant-at-Arms ret. P/Major Gen. Napoleon Taas ang pagpaplano sa seguridad para sa event na kanilang pinaplantsa kung saan pokus nito ang detalye sa mas mahigpit na security protocols.
Iprinisinta ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Head of Special Events Emmanuel Miro ang para sa traffic at deployment at dito’y kabilang ang mga ruta para sa VIP, alternatibong ruta at road clearing operations.
Samantalang ang Senado ay kinatawan naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr, Senate office of International Relations and Protocol Director General Antonio de Guzman Jr., ay tiniyak sa SONA Task Force na ang Office of the Senate President at Senate Secretariat ay committed na makipagkolaborasyon sa Kamara at Office of the President para tiyakin ang tagumpay ng SONA.
- Latest