Ni-raid na POGO hub sa Tarlac iniimbestigahan sa surveillance, hacking sa government website

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Hontiveros upang maberipika at malaman kung totoo ang impormasyon.
STAR / File

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga na­ging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na sangkot sa surveillance at hacking sa mga government website ang POGO hub na ni-raid kamakailan sa Tarlac.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Hontiveros upang maberipika at  malaman kung totoo ang impormasyon.

Ani Fajardo, kailangan lamang ng koordinasyon sa  PNP Anti-Cybecrime Group (ACG), Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa iba pang ahensya para beripikahin ang lahat mg impormasyon.

Sinabi ni Fajardo na may ilang sensitibong detalye kaya dapat na himayin.

Ang Zun Yuan Inc. ay isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nakabase sa Baofu Compound sa Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga awtoridad noong isang buwan dahil sa pagkakasangkot nito sa malawakang scamming.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Hontiveros na posibleng sangkot sa surveillance at hacking incidents sa mga website ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kumpanyang Zun Yuan Technology Inc.

Una rito, ginisa ng senador si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y koneksyon nito sa naturang POGO hub.

Show comments