Libu-libo sinugod Bangko Sentral para iuwi 'tagong kayamanan'; BSP bumwelta
MANILA, Philippines — Dumagsa ang sangkaterbang tao sa harap ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pag-asang makukubra na nila ang mahigit "P100 trilyong kayamanan ng Pilipinas." Pero paglilinaw ng BSP, hindi naman sila nagbibigay ng pera.
Miyerkules kasi nang dayuhin ng libu-libong tao sa pangunguna ni Gilbert Langres, founder ng Democratic and Republican Guardians Philippines Inc., ang tanggapan ng BSP. Aniya, ngayon raw kasi ito ipapamahagi.
"Konting panahon na lang ay lalaya na ang sambayanang Pilipino sa kahirapan... Sa panahon ni [Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr.], kinakailangan ilabas na ang kayamanang nakatago sa Bangko Sentral na ang tagapagmana ay sambayanang Pilipino," ani Langres sa panayam ng dzRH.
"Ang initial natin dito, para mai-claim na ng taumbayan ang nakatagong kayamanan na narito sa Bangko Sentral ng Republika ng Pilipinas... Fully matured na ang kayamanan. Kaya sa panahon ni PBBM, kailangan na mailabas na ito."
Tinawag ng grupong "Claimant Holder Taker Celebration Day" ang ika-8 ng Mayo para makuha aniya ang naturang halaga.
Nahikayat pumila sa labas ng BSP ang ilang residente ng Pangasinan, Antipolo, Southern Luzon, atbp. lugar. Marami sa mga nabanggit ay may edad na.
"Ito'y representation hindi sa samahan ng Democratic nd Republican Guardians... kundi ito ay representasyon mula Luzon, Visayas at Mindanao bilang mamamayang Pilipinong tagapagmana ng kayamanang nakatago rito partikularmente sa [BSP]," dagdag ni Langres.
"Ang initial na pondong ating ipinaglalaban since 2016 pa na nandito pa kami ay more than P100 trillion printed with a back up of gold."
Bagama't nagpakita ang grupo ng dokumentong "nagpapatunay" aniya sa naturang kayamanan, hindi nila madiretso sa mga mamamahayag kung saan ito nagmula.
BSP: Hindi kami namimigay ng pera, okey
Inilinaw naman ng BSP sa panayam ng Philstar.com ngayong araw na hindi bahagi ng kanilang trabaho ang pamumudmod ng pera sa mga indibidwal.
Wika ng central bank, nakikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa gobyerno para "magpalago ng ekonomiya, mapanatiling matatag ang presyo ng mga bilihin at lumikha ng mga hanapbuhay."
"Nais linawin ng BSP na hindi ito direktang nagbabahagi ng salapi sa taumbayan," sabi ng BSP ngayong araw.
"Sa halip, ang BSP ay nagbibigay ng dibidendo sa pamahalaan upang maka-ambag sa mga programang makapag-aangat ng kabuhayan ng mga Pilipino."
LOOK: The BSP issued a statement regarding a rally held in front of its head office in Manila today.
— Keisha B. Ta-asan (@kbtaasan) May 8, 2024
The protest was led by a certain Prince Gilbert Salvador, who was seeking to claim “more than a P100 trillion” from the central bank. | @PhilippineStar pic.twitter.com/mpIAvXp475
Taong 2023 lang nang linawin ng BSP wala itong hinahawakang 400,000 metrikong toneladang "Tallano Gold" mula kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Bahagi ito ng matagal nang tsismis o haka-hakang gagamitin ito ni Bongbong para "bayaran ang utang ng Pilipinas."
Una nang sinabi ni Bongbong na hindi pa niya nakikita mismo ang gintong ito, na sinasabi ng ilan na ipapamahagi sa publiko oras na siya'y maging presidente.
Biro pa ni Marcos Jr., magandang ipagbigay alam sa kanya kung makita ito dahil "kailangan niya ang ginto."
Sa kabila ng myth tungkol sa Tallano Gold, ilang beses nang kinilala ng Korte Suprema noong 2003, 2012 at 2017 na merong nakaw na yaman ang pamilyang Marcos.
Tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang ill-gotten wealth na ibinulsa ni Marcos Sr., na kilala sa human rights violations matapos ideklara ang Martial Law. — may mga ulat mula kay The STAR/Keisha B. Ta-asan
- Latest