Pangulong Marcos: Pasukan tuwing Hunyo, ibalik na!

Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bongbong Marcos / Facebook Page

MANILA, Philippines — Nagbigay na ng go signal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para ibalik ang pasukan sa lumang school calendar year sa Hunyo.

Sa isang ambush interview sa pangulo sa Pasay City,  sinabi niya na siya mismo ang humingi kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ng konkretong plano tungkol sa pagbabalik ng pasukan sa Hunyo dahil na rin sa sobrang init dulot ng El Niño.

Iginiit pa ni Pangulong Marcos na kailangan na itong ilipat at walang siyang nakikitang pagtutol kahit na kanino kaya hindi na kailangan maghintaty pa.

“Well, of course, hiningi ko ‘yan sa DepEd and I asked Inday Sara to give me already a concrete plan because mukha naman, hindi na tayo kailangan maghintay pa. At mukha naman ay kailangan na at I don’t see any objections really from anyone”, sinabi pa ng Pangulo.

Lalo na anya ngayong El Niño, na halos kada araw sa panood niya ng balita ay naririnig niya na laging kanselado ang face-to-face classes o napo-postponed.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na kailangang kailangan na gumawa ng hakbang kaya bahagi ito ng plano nila na ibalik sa lumang schedule  na sa tingin niya ay mas makakabuti para sa mga bata.

Umaasa naman si Marcos na maipapatupad na sa susunod na taon ang pagbabalik ng klase sa Hunyo.

Sa ngayon, nasa buwan ng Hunyo ang bakas­yon ng mga estudyante at balak na itong ibalik ng DepEd sa buwan ng Abril at Mayo.

Show comments