Amyenda sa Rice Tarrification Law sesertipikahang urgent ni Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Posibleng sertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law (RTL) para bumaba ang presyo ng bigas sa bansa.

“Yes, I think it justifies the urgent certification,” sabi ng Pangulo.

Ayon pa kay Marcos, ang problema ay tumataas ang presyo ng bigas dahil ang mga trader ay nagkokompetensya, pataasan sila ng presyuhan sa pagbili ng bigas at wala rin silang kontrol doon.

Maaari naman anyang impluwensyahan o kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas kapag naamyendahan ang rice tariffication law partikular na sa pagbili ng palay at pagbebenta ng bigas sa publiko.

Si House Speaker Martin Romualdez ang nagtutulak para sa pag-amyenda sa RTL para payagan ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas sa merkado.

Sinabi ni Speaker na maaaring mapababa ang presyo ng bigas sa P10-P15 o mas malapit sa P30 kada kilo kapag naamyendahan ang RTL.

“Kung magkaroon ng amendments sa… NFA charter at Rice Tariffication Law, magagawan natin, makokontrol natin, may influence tayo sa presyuhan sa pagbili ng palay at pagbenta ng bigas,” sinabi pa ni Pangulong Marcos.

Show comments