Pangulong Marcos: Vice President Sara ‘di sisibakin sa DepEd
MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya sisibakin o papalitan sa pwesto si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Pangulo, ang hindi pagkakaintindihan ng kanyang maybahay na si First Lady Liza at ni Duterte ay hindi sapat para sibakin niya ang huli bilang kalihim ng DepEd.
Tiniyak din ng Pangulo na ang mga patutsada ng Unang Ginang ay hindi makakaapekto sa pagta-trabaho nila ng Bise Presidente.
Paliwanag ng Pangulo, na lahat ng Cabinet secretaries ay maaaring palitan kapag hindi na nila ginagawa ang trabaho o kapag hindi na kaya at nagkasakit.
Gayundin kapag hindi talaga marunong o korap ay talagang tatanggaling nila sa pwesto, subalit si VP Sara ay hindi naman anya ganoon.
Naniniwala naman si Pangulong Marcos na wala silang dapat ayusin ni Sara dahil nauunawaan niya bilang maybahay ang saloobin at sentimyento ni Liza.
Ayon sa Pangulo, tiwala siya na hindi sineseryoso ni Duterte ang mga nasabi ng Unang Ginang dahil isa rin itong maybahay at naiintindihan ang nararamdaman ng kanyang misis.
“I think that she, also as a wife, understands how the First Lady feels, when you have to sit there and listen to these attacks that are being made against your husband,” aniya.
Hindi anya galing sa pamilya ng politiko ang Unang Ginang kaya hindi sanay sa mga batikos partikular na sa kanya, habang sila ay manhid na dito at sa mga insulto.
Kaya dapat anya na matuto na rin ang Unang Ginang na mapalampas ng kaunti ang ibang masasakit at maaanghang na salita.
Matatandaan na sa isang interview sinabi ni FL Marcos na “bad shot” sa kanyang si VP Sara dahil sa pag-aakusa ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte na “bangag” ang Pangulo sa isang rally sa Davao city kung saan nakikita siya na tumatawa pa.
Nagbunsod ito ng panawagan ng ilang pulitiko na magbitiw sa pwesto bilang kalihim ng DepEd si Sara dahil sa mga banat ng pamilya nito kay Pangulong Marcos.
Kabilang sa mga ito sina Bacolod Mayor Albee Benitez, Manila 3rd district Cong. Joel Chua at dating Senador Leila de Lima.
- Latest