Police escorts ng mga dayuhan tatanggalin na ng NCRPO
MANILA, Philippines — Pinatatanggal na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang police escorts ng foreign nationals lalo na ng mga Chinese.
Ayon kay Nartatez, nagkukulang na ang bilang ng mga pulis sa Kalakhang Maynila na itinalaga upang bantayan ang publiko at sugpuin ang iba’t ibang krimen.
Aniya, hindi lamang dapat sa iilang mga mayayamang dayuhan nakatalaga ang mga pulis.
Nilinaw ni Nartatez na ang pag-recall sa mga pulis ay pagsasaayos at pagsasakatuparan ng kanilang sinumpaang tungkulin na babantayan at poproteksiyunan ang mga mamamayan.
Batay sa datos ng NCRPO, lubhang mababa o nasa 1:500 ang pulis ratio kung kaya’t kailangan itong dagdagan para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Dagdag ni Nartatez, ang kanyang kautusan ay para sa lahat ng mga foreign nationals na may police escort at hindi lamang sa mga Chinese nationals.
Kailangan lamang na bigyan ng prayoridad ang kapakanan at seguridad ng publiko at hindi ng iilang indibiduwal lalo na kung dayuhan.
Maaari namang kumuha ng mga personal na bodyguards mula sa mga security ahency ang mga foreign nationals kung may panganib sa kanilang buhay.
- Latest