Koko sa palit pangalan ng PDP: Gumawa kayo ng sariling partido
MANILA, Philippines — Nagtataka si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III kung bakit hindi na lamang bumuo ng bagong partido ang mga lider ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na nagdesisyon na alisin ang Lakas ng Bayan (Laban) sa pangalan ng partido.
Sinabi ni Pimentel na nakakalungkot na pinag-awayan pa nila ang partido na itinayo ng kanyang ama na si dating senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr. pagkatapos ay babaguhin lamang ang pangalan at mga simbolismo.
“Nakakalungkot na pinag-awayan pa namin iyong partido tapos ganun lang pala ang kanilang plano na palitan ang pangalan, palitan ang symbolisms, pati iyong pago-oath ng kaliwang kamay, gagawin na nilang kanang kamay, even iyong party handshake namin using the left hand im sure papalitan na rin nila iyon,” ani Pimentel.
Naniniwala si Pimentel na gusto ng mga lider ngayon ng PDP ng isang bagong partido kaya dapat ay nagtatag na lamang ang mga ito ng sarili nila dahil wala namang nagbabawal para gawin ito.
“So, ang akin lang pakiramdam eh kung gusto rin naman pala nila ng ibang partido, kasi binago nila lahat e, ba’t hindi na lang sila nagbuo ng sarili nilang partido hindi naman bawal iyon. wala pang masasaktan, wala pang aangal,” ani Pimentel.
Labis ding nanghihinayang si Pimentel sa history ng PDP-Laban na nangakong ipaglalaban pa rin ang kaso para sa partido.
Si Pimentel ang dating pinuno ng PDP-Laban pero napatalsik sa posisyon ng mga ka-partido at mga miyembro na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest