Panawagang magbitiw si Bise Presidente Sara, nadagdagan
MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang nga nananawagang magbitiw na si Vice Pres. Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Manila 3rd District Cong. Joel Chua, hindi maaari na hayaan lang ni VP Sara na batikusin lang nang batikusin ng kanyang pamilya ang Pang. Marcos, gayung miyembro siya ng gabinete nito.
“Magbitiw na lang siya sa gabinete dahil kontra naman ang pamilya niya sa administrasyon,” ani Cong. Chua.
“Ayaw din niyang magkomento hinggil sa pangha-harass sa ating Navy at Coast Guard sa West Philippine Sea. Mas matimbang ba ang China sa kanya?” tanong ni Chua.
Para naman kay Bacolod City Mayor Albee Benitez, hindi magandang tingnan na ang isang miyembro ng gabinete ay naroon sa rally ng mga bumabatikos sa administrasyong Marcos.
“Mas magandang bumitiw na siya sa puwesto para mapanatili ang integridad at pagkakaisa sa administrasyon,” ayon pa kay Mayor Benitez.
Hindi rin natuwa si Iloilo Mayor Jerry Trenyas sa inasal ni VP Duterte sa isang prayer rally ng mga kontra kay Pang. Marcos.
“Hindi tama na miyembro siya ng administrasyon pero tila sumasang-ayon siya sa mga banat sa pangulo sa mga rally,” ani Mayor Trenas.
Asahan na raw na marami pang mambabatas at mga local chief executive ang maglalabas ng kanilang saloobin laban kay VP Sara.
- Latest