Kontrata ng Comelec sa Miru sa 2025 polls, hiling sa SC na ipawalambisa
MANILA, Philippines — Hiniling ni dating Caloocan City congressman Egay Erice sa Korte Suprema na ipawalambisa ang kontratang nilagdaan ng Comelec sa automated elections service provider na Miru Systems para sa 2025 elections.
Kahapon ay personal na naghain ng petition for certiorari with a prayer for temporary restraining order (TRO) si Erice dahil sa umano’y mga iregularidad sa procurement process ng mga makina.
Ayon kay Erice, sa ilalim ng kontrata, gagamit ang Miru ng prototype machines na labag sa automated elections law.
“This is robbery in progress,” ani Erice.
Aniya, maraming makina pa ng Smartmatic ang mapapakinabangan na sakop pa ng warranty hanggang ngayong Nobyembre.
Bilang dating chairman ng Congressional Committee on Suffrage, nakagawa anya ng grave abuse of discretion ang Comelec nang agad ibigay sa Miru System ang kontrata. Wala rin aniyang Kongresista na inabisuhan ang Comelec upang sumaksi sa inspeksiyon ng mga pasilidad ng Miru.
Umaasa si Erice na agad na maglalabas ng TRO o writ of preliminary injunction ang SC upang mapawalang-bisa ang P18-B contract ng Comelec sa nasabing Korean firm.
- Latest